Ang pabulang ito, na kilala rin bilang “Ang Inang Alimango at ang Kanyang Anak,” ay mula kay Esopo. Itinuturo nito na ang halimbawa ay mas mabisa kaysa sa utos.
Sa pahinang ito: kwento · tauhan · banghay · aral · gabay na tanong
Ang kwento
Muling pagsasalaysay ng Pangkat Editoryal ng pabula ni Esopo (The Crab and Its Mother).
Isang umaga, naglalakad sa dalampasigan ang isang inang alimango at ang kanyang anak. Pinagmasdan ng ina ang lakad ng bata.
“Anak, bakit ka patagilid lumakad?” sita niya. “Hindi maganda tingnan. Lumakad ka nang tuwid, paharap!”
“Opo, Inay,” magalang na sagot ng batang alimango. “Ngunit hindi ko po alam kung paano. Ipakita po ninyo sa akin, at gagayahin ko kayo.”
Sinubukan ng inang alimango na lumakad nang paharap. Ngunit anumang pilit niya, patagilid pa rin ang kanyang lakad. Nang ipilit niya, nadapa pa siya sa buhangin.
Natahimik ang ina. Naunawaan niyang hindi niya maaaring hingin sa anak ang isang bagay na siya mismo ay hindi kayang gawin.
Mga tauhan
- Ang inang alimango: mahilig pumuna, ngunit natuto sa huli.
- Ang batang alimango: magalang at handang matuto.
Banghay
| Bahagi | Pangyayari |
|---|---|
| Simula | Naglalakad ang mag-ina sa dalampasigan. |
| Tunggalian | Pinuna ng ina ang patagilid na lakad ng anak. |
| Kasukdulan | Hiniling ng anak na ipakita ng ina ang tamang lakad; hindi ito nagawa ng ina. |
| Wakas | Naunawaan ng ina ang kanyang pagkakamali. |
Aral
- Ang halimbawa ay mas mabisa kaysa sa salita.
- Bago pumuna sa iba, tingnan muna ang sarili.
Mga gabay na tanong
- Ano ang ipinuna ng ina sa kanyang anak?
- Ano ang hiniling ng batang alimango?
- Bakit natahimik ang ina?
- Magbigay ng halimbawa sa tunay na buhay kung saan angkop ang aral na ito.
Gusto mo pa ng mga pabula? Basahin ang lahat ng aming pabula.


Ano sa palagay mo?
Nagustuhan mo ba ang kwentong ito? Ibahagi ang iyong saloobin o karanasan sa ibaba — gusto naming marinig ito!