Mga Tanaga

Ang tanaga ay isang tradisyonal na anyo ng tula sa Pilipinas, kilala sa kanyang apat na taludtod at pitong pantig sa bawat linya. Bagama’t maikli, ang bawat tanaga ay puno ng kahulugan at naglalaman ng malalim na pagninilay sa kalikasan, pag-ibig, buhay, at mga karanasan. Sa koleksyong ito, matutuklasan mo ang 10 tanaga na magpapakita ng kagandahan ng ating kultura at wika. Samahan mo kaming maglakbay sa mundo ng mga salita at damdamin sa pamamagitan ng mga natatanging tanaga na ito.

10 halimbawa ng tanaga

Bawat tanaga sa ibaba ay may apat na taludtod, pitong pantig bawat taludtod, at tugma sa dulo. Orihinal na akda ang mga ito ng Aking Maikling Kwento; malaya ninyong gamitin bilang halimbawa sa klase.

1. Ina
Ina kong mapagmahal,
Sa puso’y laging banal,
Pag-aruga’y matagal,
Salamat, aking mahal.

2. Palay
Butil ng gintong palay,
Sa pawis ay may saysay,
Magsasaka’y matibay,
Sa hapag ay alalay.

3. Oras
Oras ay parang alon,
Lumipas na kahapon,
Gamitin mo’ng panahon
Nang may maiging layon.

4. Kalikasan
Lupang dapat diligin,
Ilog ay linisin din,
Hangin ay pagyamanin,
Mundo’y ating mahalin.

5. Kaibigan
Tunay na kaibigan,
Sa hirap, ginhawa man,
Hindi ka iiwanan,
Laging maaasahan.

6. Wika
Wikang sariling atin,
Ating pagyayamanin,
Sa puso’y ingatan din,
Huwag nating limutin.

7. Pangarap
Pangarap na kay sarap,
Abutin nang may sikap,
Kahit maraming ulap,
Tiyak na matutupad.

8. Ulan
Ulan sa kabukiran,
Biyaya sa taniman,
Kung puno’y kinalbuhan,
Baha ang kapalaran.

9. Guro
Guro, ikaw ang sulo
Sa madilim na mundo,
Aral mong itinuro,
Tanglaw ko hanggang dulo.

10. Pag-asa
Unos man ay dumaan,
Pag-asa ay nariyan,
Bahaghari’y abangan,
Liwanag ay makamtan.

Paano binibilang ang pantig: halimbawa

TaludtodHati ng pantigBilang
Tunay na kaibigan,Tu-nay-na-ka-i-bi-gan7
Sa hirap, ginhawa man,Sa-hi-rap-gin-ha-wa-man7
Hindi ka iiwanan,Hin-di-ka-i-i-wa-nan7
Laging maaasahan.La-ging-ma-a-a-sa-han7
Magkakatugma ang dulo ng apat na taludtod (-an). Sa tanaga no. 7, magkakatunog ngunit hindi magkakapareho ang dulo (-ap at -ad); tinatawag itong tugmaang di-ganap.

Gusto mong malaman ang kasaysayan at mga elemento ng tanaga? Basahin ang Ano ang tanaga. Ihambing din ito sa tanka at haiku ng Hapon.