Si Juan Pusong ay isang tanyag na tauhan sa mga kwentong-bayan ng mga Bisaya. Ang “pusong” ay nangangahulugang tuso o mapanlinlang, kaya kilala rin siya sa Ingles bilang Tricky John. Tamad siya at sinungaling, ngunit matalino at madiskarte, kaya madalas siyang nakalulusot sa gulo. Kahawig siya ni Pilandok ng mga Maranaw at ni Juan Tamad ng mga Tagalog.
Nasa ibaba ang tatlong magkakaugnay na kwento ni Juan Pusong na naitala mula sa mga Bisaya at nailathala noong 1906 sa Journal of American Folklore. Muling isinalaysay ang mga ito ng Pangkat Editoryal.
Sa pahinang ito: ang bibingka · ang mga dalandan · ang mga baka · tauhan · aral · gabay na tanong
1. Si Juan Pusong at ang bibingka
Si Juan Pusong ay isang batang tamad. Ayaw niyang pumasok sa paaralan, kahit parusahan o pangakuan ng gantimpala. Sa halip, naglalaro siya sa plaza kasama ang ibang bata. Hindi ito alam ng kanyang ina, na araw-araw ay naghahanda ng masarap na meryenda para sa kanyang pag-uwi “galing sa eskwela.”
Isang araw, sinabi ni Juan: “Inay, natuto na ako sa paaralan na maging manghuhula. Mamayang hapon, huhulaan ko kung ano ang inihanda ninyo para sa akin.” Natuwa ang ina at nagpasyang maghanda ng bago upang hindi ito mahulaan.
Nagkunwaring umalis si Juan, ngunit umakyat siya sa punong malapit sa kusina at sumilip sa bintana. Nakita niyang nagluto ang kanyang ina ng bibingka at itinago ito sa isang palayok. Pagsapit ng uwian, bumaba siya, humarap sa ina na may hawak na aklat, at sinabi: “Ayon sa aking hula, may bibingkang nakatago sa palayok.” Namangha ang ina at ipinamalita sa buong bayan na manghuhula ang kanyang anak. Maraming tao ang dumating upang subukin siya, at lagi siyang “nagtatagumpay” sa pamamagitan ng panlilinlang.
2. Si Juan Pusong at ang mga dalandan
Isang araw, dumaong ang isang barko mula sa malayong pulo. Nabalitaan ng kapitan ang galing ni Pusong at hinamon siya: kailangan niyang hulaan kung ilan ang buto ng mga dalandan na karga ng barko. Kapag nahulaan niya, bibigyan siya ng malaking halaga.
Humingi si Pusong ng isang araw. Kinagabihan, lumangoy siya patungo sa barko at nagtago sa tubig sa may hulihan nito. Narinig niyang nag-uusap ang mga tripulante, at sinabi ng kapitan na kakaiba ang kanilang mga dalandan dahil iisa lamang ang buto ng bawat isa.
Kinabukasan, sa harap ng maraming tao, inamoy ni Pusong ang dalandan, binuklat ang kanyang aklat na parang may binabasa, at sinabi: “Iisa lamang ang buto ng dalandang ito.” Hiniwa ang prutas at tama nga siya. Binayaran siya ng kapitan, lalo siyang nakilala, at yumaman.
3. Si Juan Pusong at ang mga baka
Minsan, pinastol ng ama ni Juan ang kanilang mga baka. Palihim na pumunta si Juan sa pastulan, dinala ang mga baka sa gubat at itinali roon. Nang hinahanap na ng ama ang mga baka, sinalubong siya ni Juan na nagkukunwaring galing sa paaralan.
“Bakit hindi ninyo agad sinabi?” sabi ni Juan. Binuklat niya ang kanyang maliit na aklat at sinabing nasa isang lugar sa gubat ang mga baka, magkakatali. Natagpuan nga roon ng ama ang mga baka. Ngunit kalaunan, natuklasan na hindi pala marunong bumasa si Juan, kahit ng sarili niyang pangalan, kaya pinarusahan siya ng kanyang ama dahil sa kanyang panloloko.
Sa iba pang kwento sa parehong koleksiyon, nakulong si Juan Pusong sa isang hawla dahil sa paglabag sa batas at nalinlang niya ang isang kaibigan na pumalit sa kanyang puwesto, isang tagpo na kahawig ng Naging Sultan si Pilandok.
Mga tauhan
- Juan Pusong: tamad at sinungaling, ngunit matalino, mapagmasid at madiskarte.
- Ang ina ni Juan: mapagmahal ngunit madaling maniwala sa anak.
- Ang kapitan ng barko: sumubok sa “galing” ni Pusong.
- Ang ama ni Juan: sa huli ay natuklasan ang panloloko ng anak.
Katangian ng kwentong-bayan
- Tauhang tuso (trickster): ginagamit ang talino at panlilinlang sa halip na lakas.
- Katatawanan: nakakatawa ang mga paraan ni Pusong at ang pagkakaloko sa iba.
- Pasalindila: ipinapasa nang pasalita mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod, kaya maraming bersyon.
- Salamin ng lipunan: pinupuna ang mga taong madaling maniwala at ang pagpapahalaga sa itsura ng pagiging marunong.
Gusto mo bang matutunan kung paano suriin ang anumang kwento? Basahin ang aming aralin sa mga elemento ng maikling kwento.
Aral ng mga kwento ni Juan Pusong
- Ang kasinungalingan ay nabubunyag din. Sa huli, nahuli at pinarusahan si Juan ng kanyang ama.
- Walang kapalit ang tunay na pag-aaral. Nagkunwari si Juan na nag-aaral, ngunit hindi pala siya marunong bumasa.
- Maging mapanuri. Nalinlang ang ina at ang kapitan dahil agad silang naniwala nang hindi nagsusuri.
- Ang talino ay dapat gamitin sa mabuti. Matalino at mapagmasid si Juan, ngunit ginamit niya ito sa panloloko.
Mga gabay na tanong
- Ano ang ibig sabihin ng “pusong”? Bakit ito angkop kay Juan?
- Paano “nahulaan” ni Juan ang bibingka at ang bilang ng buto ng dalandan?
- Bakit madaling naniwala ang ina ni Juan at ang kapitan?
- Tama ba ang ginawa ni Juan? Ipaliwanag.
- Paano naiiba o nagkakahawig sina Juan Pusong at Pilandok?





Ano sa palagay mo?
Nagustuhan mo ba ang kwentong ito? Ibahagi ang iyong saloobin o karanasan sa ibaba — gusto naming marinig ito!