Ang kakalasan ay ang bahagi ng banghay na sumusunod sa kasukdulan, kung saan unti-unting bumababa ang tensyon at nagsisimulang malutas ang problema ng kwento. Inihahanda nito ang mambabasa sa wakas. Sa Ingles, ang katumbas nito ay falling action.
Ang kakalasan ay isa sa anim na bahagi ng banghay, na isa naman sa mga elemento ng maikling kwento.
Saan makikita ang kakalasan sa banghay?
Kung ang banghay ay parang bundok, ang kasukdulan ang tuktok at ang kakalasan ang pababang bahagi nito. Dito sinasagot ang mga tanong na naiwan pagkatapos ng kasukdulan: ano ang ginawa ng tauhan, at paano naapektuhan ang ibang tauhan?

Paano makikilala ang kakalasan?
- Nangyayari ito kaagad pagkatapos ng kasukdulan. Hanapin muna ang pinakamataas na tensyon; ang kasunod na mga pangyayari ang kakalasan.
- Humuhupa ang damdamin. Hindi na kasing-kapana-panabik ng kasukdulan, pero may mga natitira pang dapat ayusin.
- Nagsisimulang makita ang bunga ng mga pasya ng tauhan. Ito ang tulay patungo sa wakas.
Mga halimbawa ng kakalasan
Sa pabulang “Ang Pagong at ang Matsing”
Pagkatapos ubusin ni Matsing ang mga saging (kasukdulan), nag-isip si Pagong ng paraan: naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno at pinababa si Matsing. Ito ang kakalasan; ang wakas ay nang masugatan si Matsing at tumakbo palayo. Basahin ang buong pabula.
Sa “Alamat ng Pinya”
Matapos masabi ng ina na sana ay magkaroon si Pinang ng maraming mata (kasukdulan), biglang nawala si Pinang at walang makapagsabi kung nasaan siya; hinanap siya ng ina sa buong bayan. Ito ang kakalasan. Sa wakas, may tumubong halaman sa bakuran na may bungang napapalibutan ng “mata”, ang pinya.
Sa pabulang “Si Langgam at si Tipaklong”
Pagkatapos kumatok ni Tipaklong na gutom na gutom (kasukdulan), ipinaalala ni Langgam na nagtrabaho siya nang husto para makapag-ipon, at napagtanto ni Tipaklong ang kanyang pagkakamali. Ito ang kakalasan sa bersyong mababasa sa aming site. May ibang bersyon kung saan pinapasok at pinakakain ni Langgam si Tipaklong, kaya maaaring magkaiba ang kakalasan at wakas depende sa binabasa mong bersyon. Basahin ang buong pabula.
Kakalasan at wakas: ano ang pagkakaiba?
Madalas pagpalitin ang dalawa. Ang kakalasan ay ang proseso ng paglutas sa problema; ang wakas ay ang resulta, kung ano na ang kalagayan ng mga tauhan sa dulo. Sa “Ang Pagong at ang Matsing”, ang paglalagay ng tinik ay kakalasan; ang pagkasugat at pagtakbo ni Matsing ay wakas.
| Kasukdulan | Kakalasan | Wakas | |
|---|---|---|---|
| Sa Ingles | Climax | Falling action | Resolution / ending |
| Tensyon | Pinakamataas | Bumababa | Nalutas na |
Mga madalas itanong
Ano ang kakalasan sa Ingles?
Ang kakalasan ay tinatawag na falling action sa Ingles.
Kailangan bang mahaba ang kakalasan?
Hindi. Sa maikling kwento at pabula, maaaring isa o dalawang pangungusap lang ang kakalasan. Ang mahalaga ay ipinapakita nito kung paano nagsimulang malutas ang problema.
Kaugnay na aralin: Mga elemento ng maikling kwento · Kasukdulan · Mga pabula





Ano sa palagay mo?
Nagustuhan mo ba ang kwentong ito? Ibahagi ang iyong saloobin o karanasan sa ibaba — gusto naming marinig ito!