Bago dumating ang mga Kastila, may sariling mga kwento ang ating mga ninuno tungkol sa pinagmulan ng daigdig at ng tao. Ibang-iba ang bersyon ng bawat pangkat, ngunit ang pinakakilala sa paaralan ay ang mito tungkol sa langit, dagat at isang ibon, at ang unang lalaki at babae na lumabas mula sa kawayan.
Sa pahinang ito: kwento · paliwanag · aral · gabay na tanong
Ang kwento
Muling pagsasalaysay ng Pangkat Editoryal batay sa isang bersyong Bisaya na naitala ng mga folklorista noong unang bahagi ng ika-20 siglo (hal. sa Philippine Folk Tales ni Mabel Cook Cole, 1916).
Noong simula, walang lupa. Ang tanging naroon ay ang langit sa itaas, ang dagat sa ibaba, at isang malaking ibon (sa ilang bersyon, isang lawin) na lumilipad sa pagitan nila.
Pagod na pagod na ang ibon dahil wala siyang madapuan. Kaya pinag-away niya ang langit at ang dagat. Sinabi niya sa dagat na binabalak ng langit na daigin ito, at sinabi naman niya sa langit ang gayon ding bagay tungkol sa dagat.
Nagalit ang dagat at inihagis nito ang malalaking alon paitaas, hanggang sa abutin ang langit. Upang mapatahimik ang dagat, naghulog naman ang langit ng napakaraming malalaking bato at lupa. Iyon ang naging mga pulo. Hindi na makagalaw nang malaya ang dagat, kaya pabalik-balik na lamang ang alon nito. Sa wakas, may nadapuan na ang ibon.
Samantala, nagpakasal ang hanging-lupa at ang hanging-dagat, at nagkaanak sila ng isang kawayan. Isang araw, tinangay ng alon ang kawayan at tumama ito sa paa ng ibon habang siya ay nagpapahinga sa dalampasigan.
Nagalit ang ibon kaya tinuka niya ang kawayan. Nabiyak ito, at mula sa isang biyas ay lumabas ang unang lalaki, at mula sa kabila ay ang unang babae. Sila ang pinagmulan ng lahat ng tao sa kapuluan.
Paliwanag
- Iba-iba ang pangalan ng unang tao. Sa bersyong Bisaya na itinala ni Cole, Sicalac ang lalaki at Sicabay ang babae. Sa mga aklat-pampaaralan, mas kilala sila bilang Malakas at Maganda.
- Si Bathala ang tinawag ng mga sinaunang Tagalog na pinakamataas na diyos at lumikha ng lahat, ayon sa mga ulat ng mga unang misyonerong Kastila.
- Ang kawayan ay mahalaga sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, kaya hindi nakapagtataka na dito nagmula ang tao sa mito.
Basahin din ang isang maikling kwento na gumagamit ng mitong ito: Si Lolo Pedro at ang Alamat ng Kawayan, at ang alamat ng araw, buwan at mga bituin.
Aral
- Ang tao ay bahagi ng kalikasan: sa mito, nagmula tayo sa kawayan, sa hangin at sa dagat.
- Ang lalaki at babae ay magkapantay: sabay silang lumabas mula sa iisang kawayan.
- Ang mga mito ay bintana sa pananaw ng ating mga ninuno tungkol sa mundo.
Mga gabay na tanong
- Ano ang naroon bago nabuo ang lupa, ayon sa mito?
- Paano nabuo ang mga pulo?
- Saan nagmula ang unang lalaki at babae?
- Bakit kaya kawayan ang pinili ng ating mga ninuno sa kwentong ito?
Gusto mo pa ng mga alamat? Basahin ang lahat ng aming alamat.





Mag-iwan ng Tugon