Ang Talinghaga ng Manghahasik: Parabula, Kahulugan at Aral

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik

Ang Talinghaga ng Manghahasik ay isa sa mga parabula ni Hesus na mababasa sa tatlong Ebanghelyo: Mateo 13:1-23, Marcos 4:1-20 at Lucas 8:4-15. Isa ito sa iilang parabula na ipinaliwanag mismo ni Hesus sa kanyang mga alagad. Tungkol ito sa iba’t ibang paraan ng pagtanggap ng tao sa salita ng Diyos.

Sa pahinang ito: ang parabula · paliwanag ni Hesus · simbolismo · aral · gabay na tanong

Ang Talinghaga ng Manghahasik

Minsan, napakaraming tao ang nagtipon sa tabi ng lawa upang makinig kay Hesus, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon nagturo. Isinalaysay niya ang talinghagang ito:

“Lumabas ang isang manghahasik upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at tinuka ang mga ito.

May mga binhing nahulog sa mabatong lugar na manipis ang lupa. Mabilis silang tumubo dahil hindi malalim ang lupa, ngunit nang sumikat ang araw ay nalanta sila, at dahil walang ugat ay natuyo.

May mga binhing nahulog sa gitna ng mga dawag. Lumaki ang mga dawag at sinakal ang mga ito, kaya hindi sila namunga.

At may mga binhing nahulog sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito at namunga: ang iba ay tigsasandaan, ang iba ay tig-aanimnapu, at ang iba ay tigtatatlumpu. Ang may pandinig ay makinig!”

Muling isinalaysay ng Pangkat Editoryal batay sa Mateo 13:1-9.

Ang paliwanag ni Hesus

Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad, ipinaliwanag ni Hesus na ang binhi ay ang salita ng Diyos, at ang iba’t ibang uri ng lupa ay ang iba’t ibang uri ng puso ng tao:

Uri ng lupaAno ang nangyariKahulugan ayon kay Hesus
Tabi ng daanTinuka ng mga ibonMga taong nakarinig ngunit hindi nakaunawa; inagaw ng masama ang salita sa kanilang puso.
Mabatong lugarTumubo agad ngunit nalantaMga taong masayang tumanggap sa salita ngunit walang ugat; sumusuko kapag dumating ang pagsubok o pag-uusig.
Gitna ng mga dawagSinakal ng mga dawagMga taong nakinig ngunit nadaig ng alalahanin sa buhay at ng pagnanasa sa kayamanan.
Matabang lupaNamunga nang 30, 60 at 100 ulitMga taong nakinig, umunawa at isinabuhay ang salita, kaya namunga sila.

Mga tauhan at simbolismo

  • Ang manghahasik: ang nagtuturo o nagpapalaganap ng salita ng Diyos.
  • Ang binhi: ang salita ng Diyos.
  • Ang mga uri ng lupa: ang iba’t ibang kalagayan ng puso ng mga nakikinig.
  • Ang bunga: ang mabubuting gawa at pagbabago sa buhay ng taong tumanggap sa salita.

Aral ng Talinghaga ng Manghahasik

  • Hindi sapat ang makinig; kailangang umunawa at isabuhay.
  • Magkaroon ng malalim na ugat. Ang pananampalatayang mababaw ay madaling bumigay sa pagsubok.
  • Huwag hayaang sakalin ng alalahanin at kayamanan ang mabubuting hangarin.
  • Ihanda ang puso na parang matabang lupa: bukas, mapagpakumbaba at handang matuto.

Mga gabay na tanong

  1. Saan-saan nahulog ang mga binhi at ano ang nangyari sa bawat isa?
  2. Ano ang sinisimbolo ng binhi ayon kay Hesus?
  3. Ano ang ibig sabihin ng mga dawag sa buhay ng isang tao ngayon?
  4. Sa apat na uri ng lupa, alin ang pinakamalapit sa iyong sarili? Bakit?
  5. Paano mo magiging “matabang lupa” sa iyong pag-aaral at pakikitungo sa kapwa?

Kaugnay: Ang Alibughang Anak · Ang Mabait na Samaritano · Lahat ng parabula

Baka Gusto Mo Ring Basahin

  • Ang Alibughang Anak
  • Ang Tusong Katiwala
  • Ang Mabait na Samaritano
  • Maging una sa pagbibigay ng rating!

    Ano sa palagay mo?

    Nagustuhan mo ba ang kwentong ito? Ibahagi ang iyong saloobin o karanasan sa ibaba — gusto naming marinig ito!